Gabi

Balikan natin ang gabi.
Ang gabi ng iyong pagpili,
Ang pagpili sa paglimot,
Sa paglimot sa’ting mga sandali.

Balikan natin ang pagtalikod.
Sa iyong pag iwas sa bawat lingon.

Balikan natin ang pagpumiglas,
Sa iyong pagkalas,
Ikaw, ako.. Yung tayo’y nagwakas,
Yung akala ko’y walang wagas.

Balikan natin ang gabi,
Babalikan ko ang gabi,
Babalikan ko ang gabi,
Nang wala ka saking tabi.

Glenda

I
HAYAN KA na naman, hatid ay kadiliman

Hangin sa mga bahay ay humahampas
Hanging pagkalakas lakas

Ika’y naririto, hatid ay delubyo
Mga puno’y nagawang ipatumba
Mga bahay iyong inalipusta

Waring puno ng galit
Mga sipol mong nagngangalit
At ang paligid ay tila sinulit

II

Ang panoorin ka’y tila malaking riot
Ang pakinggan ka’y nakakapangilabot
Sa katakuta’y matagal kaming binalot

Sapat na ba ang mga yerong nagliparan?
Sapat na ba ang mga ninakaw na tahanan?
Sapat na ba ang mga pamilyang pinaglaruan?

Ika’y isang bisitang nagpumilit pumasok
Sa mga pintong waring sinira sa malakas na katok
Sa mga di inaasahang pinsala kami’y iyong inalok

III

Glenda sa iyong pag alis,
Ang kapaligira’y iyong winalis
Ang mga iniwan mo’y di kanais nais

Glenda hindi mo maiintindihan
Ang dulot mong kabagsikan
Na sa amin ay mananahan

Glenda buti kami’y nilisan mo
Wag na sanang sa ami’y dumalo
Ggayun din ang mga katulad mo

Hanggang Saan

GAMAY MO ang lahat, yan ang iyong gawi
Aastang hari na ako’y pag aari

Nariyan kung kailan lamang ninanais
Isang araw biglaan lamang aalis

Babalik na tila wala man nangyari
Sa huli’y ikaw na naman ang nagwagi

Kailan makikita ang katotohanan?
Habang buhay ang pakikipaglokohan

Para lamang sa mapagpanggap na tuwa
Hanggang dito na lang ba ang makukuha?

Kalarong Tadhana

NAKIPAGLARO SA tadhana,
Waring batang sabik sa tuwa.

Sa paniniwalang lahat ay tama,
Sa pag aakalang dulot ay saya.

Waring mga hatid nga’y panandalian,
Munting katuwaan, saglit na kasiyahan.

Lubos na pagsisisi ang kayakap,
Labis na panghinayang ang nahanap.

Sa bawat oras at mga panahong lumipas,
Parte ng sarili’y sa kawalan kumaripas.